430 AM na ng makarating ako sa bahay. Halos hindi pa ko nakakatulog ng maayos, eto na, 645 AM na, ginising na ko dahil kelangan ko na bumangon at maligo para pumunta sa Enchanted Kingdom.
Lantang gulay, halos ayaw magpapigil nun mata ko sa pagsasara.
At dahil tutal naman, alam mo naman na hindi naman ako mahilig mag-rides, dinaan ko na lang ang lahat sa pagkain buong araw.
Pero naisip ko, subukan ko naman sumaya sa lakad na yun. Kaya eto, alam kong medyo magugulat ka, pero may mga ilan-ilan din naman ako naging “firsts” na naexperience.
Una, natupad ko na yung matagal ko ng gusto na mag-go kart. Ibang klase ang pakiramdam. Ang tagal nating pinaguusapan dati na susubukan natin ‘to, at ngayong nakasubok na ko, naging masaya naman ako, first to finish pa ko, pero bigla na naman kitang naisip, na siguro ang saya natin sobra kung sabay natin tong naexperience.
Pangalawa, ginusto ko mang humindi dahil ayoko ng heights at ayoko ng todong adrenaline rush, pinilit na nila ko, kaya sinubukan ko na rin yung Junge Log Jam. Alam ko, malamang sa hindi, gulat na gulat ka ngayon dahil panigurado maiisip mo na malayo sa pagkatao ko na sasakay ako ng ganun. Pero ayun, sumubok ako. Halos para akong titilapon na akala ko huling araw ko na sa mundo (exagg, pero sigurado akong naiintindihan mo yung grabeng takot ko), at hindi ko naramdaman yung mga kamay ko pagkatapos, para bang na-stroke ang feeling dahil sa dinanas ko dun. Sa totoo, masaya ang pakiramdam dahil hindi ko akalain mapapasakay at kakayanin ko din naman pala sumakay sa ganun. Pero eto na naman, napaisip na naman ako sayo, na alam ko, mas bawas yung takot ko kung andun ka. Dahil isang mahigpit na akap mo, lambingin at todong i-feed mo ang pagiging brat ko, alam ko, sigurado ako, mas kakayanin ko.
Ang totoo, kinaya ko namang piliting wag kang isipin.
Hanggang sa…
Hanap ako ng hanap dahil kinailangan kong maghanap ng mabibilihan ng pampalit, dahil basang-basa na yung suot ko. Lakad lang ako ng lakad mag-isa hanggang sa biglang sinimulan na ang fireworks. Napatigil ako. Ginusto kong damahin yung ganda nun fireworks nung gabing yun. Pero ewan ko. Sa buong buhay ko, nun lang ako nalungkot na makakita ng fireworks. Dahil siguro hindi kita kasama. Dahil siguro hindi man lang kita matawagan, samantalang kung hindi mo alam, hindi ako pumalya na tawagan ka tuwing may nakikita akong ganun at hindi kita kasama. Pero hindi ko na yun magawa ngayon. Malamang maiinis ka na naman lang sa akin. Dahil basta sa simpleng kadahilanan na wala ng mas sasaya pa kung kasama kita nun.
Madalas, ngayong mga panahon na ‘to, hindi ko maiwasang hilingin na sana isa na lang ako sa mga batang takbo ng takbo sa kasiyahan habang hindi mapakali sa kakapamili kung anong gusto nilang sakyan. Na sana, tulad nila, pagkatapos kong makasubok sumakay sa mga rides, pagkaalis ko sa lugar na yun, hanggang sa makauwi ako ng bahay, wala akong ibang salita na maiisip tungkol sa naramdaman ko kundi — ENCHANTED.